Unit 10 - Paglalakbay (Travel)

home > unit 10 >

BABASAHIN:

Ang Bakasyon Ko sa Pilipinas
Ni Jiedson Domigpe

Ako si Marty.  Heto ang pinakapaborito kong bakasyon sa lahat. Mahilig kaming magpunta ng
pamilya ko sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas. Sa Boracay ang pinakapaborito namin. Puwede kayo ditong mag-‘jet ski,’ mag-‘banana boat,’ mag-‘snorkle,’ mag-‘diving,’ at marami pang iba.

Tatlong araw kaming nanatili doon.  Kasama ko ang tatay at nanay ko, at ang dalawa kong
kapatid na lalaki. Nag-swimming kami sa dagat noong unang araw namin. Masarap lumangoy doon kasi malakas ang alon at napakaganda ng mga buhangin, parang pulbos.  Nag-‘volleyball’ din kami sa pampang.

Pagod na pagod kami noong unang gabi. Wala na kaming lakas para maghanap ng masarap na restawran kaya nadesisyon ang tatay naming umorder na lang kami sa otel. Masarap ang pagkain sa otel, lalu na ang mga prutas. Sariwang-sariwa ang mga ito. Pagkatapos naming maghapunan, natulog na kami.

Maaga kaming gumising noong pangalawang araw. Bumaba kami sa otel at nagpunta sa Lilia’s restawran katabi ng otel namin. Buffet ang almusal doon kaya naman talagang busog na busog
kaming lahat. Pagkatapos, nagpunta kami sa dagat para mag-swimming ulit. Maganda ang tabing-dagat tuwing umaga, maraming tao at marami ring mga ibon. Maya-maya may lumapit na lalaki sa amin at nag-alok siya kung gusto naming mag-“island hopping.” Pumayag naman kami dahil murang-mura lang ito. Isang libo limang daang piso lang para sa limang tao. Pumunta kami sa iba’t-ibang isla na malapit sa Boracay at nagpunta rin kami sa kuweba. Ang lugar na may korales ang pinakapaborito naming lahat. Nagisnorkel kami roon. Tuwang-tuwa kaming lahat kasi ang ganda ng mga isda doon at pati na mga korales.

Pagkatapos, bumalik na kami sa otel namin. Umidlip kami sandali at noong hapon, pumasyal naman kami sa palengke --ang tawag ay “d mall”. Interesante ang palengke.  May nagtitinda ng pagkaing-dagat,damit at alahas, at may panaderya rin doon. Kumpletong-kumpleto ang palengke nila. Ang problema lang ay masyadong mahal ang tinda roon, kumpara sa Maynila. Pero okey lang, kasi masaya namang umikot doon. Sa “d mall” na rin kami kumain. Sobrang sarap ng pagkain doon.  Kumpleto ang mga pagkaing-dagat nila: may alimango, hipon, tahong, at iba’t-ibang klaseng isda.

Pagkatapos naming kumain, bumalik na ang tatay at nanay namin sa otel pero nagpaiwan kami ng mga kapatid ko kasi gusto naming gumimik noong gabing iyon. Ang daming magagandang bar sa Boracay! Buong gabi kaming nag-‘disco’ at nag-‘videoke.’ Ayaw pa naming umuwi pero kailangan nang bumalik dahil naghihintay ang mga magulang namin. Pasado alas dos na kami umuwi sa otel.

Malungkot ang pangatlong araw kasi ito ang araw na kailangang bumalik sa Maynila, dahil
kailangang magtrabaho ng tatay namin kinabukasan. Pagdating namin sa bahay, nag-ayos lang
kami nang kaunti at lumabas na ulit. Nagpunta kami sa bahay ng mga Lola para magbigay ng mga pasalubong. Tuwang-tuwa sila sa mga pasalubong namin sa kanila. Nagbigay ako ng mga bato at ilang memorabilya mula sa Boracay. Paborito ng lahat ang tsinelas na hugis-pating. Ito talaga ang pinakamasaya kong bakasyon. Hindi ko ito makakalimutan.

TALASALITAAN ng Babasahin

Alimango Crab
Alon Waves
Buhangin Sand
Busog (adj.) Full
Dagat Ocean
Kadalasan Usually
Gumising To wake up
Gumimik To go to bars/clubs
Hipon Shrimp
Humiga To lie down
Lakas Strength
Lumapit To approach
Malungkot Sad
Mayamaya after a while
Napakaganda very beautiful
Pagod Tired
Pangpang Shore
Palengke Market
Pagkaing dagat Seafood
Pasalubong Souvenir present
Pating Shark
Pulbos Powder
Sariwa Fresh
Tahong Mussels
Tuwang-tuwa very delighted

GAWAIN  1

Sagutin ang mga tanong:

1. Saang lugar gustong magbakasyon ni Marty?
___________________________________________________
2. Anu-ano ang mga aktibiti sa paboritong bakasyunan ni Marty?
___________________________________________________
3. Saan kumain sina Marty noong unang gabi nila sa Boracay?
___________________________________________________
4. Ano ang ginawa nina Marty noong pangalawang araw?
___________________________________________________
5. Sino ang lalaking lumapit kina Marty?
___________________________________________________
6. Anong lugar sa island hopping ang paborito nila?
___________________________________________________
7. Ano ang pangalan ng pamilihan (market) sa Boracay?
___________________________________________________
8. Anu-ano ang makikita (see) rito?
___________________________________________________
9. Bakit hindi sumama sina Marty pabalik sa otel sa mga magulang niya?
___________________________________________________
10. Anong oras umuwi sina Marty sa otel?
___________________________________________________
11. Ano ang nangyari noong pangatlong araw?
___________________________________________________
12. Bakit malungkot sina Marty?
___________________________________________________
13. Bakit kailangang bumalik nina Marty sa Maynila noong pangatlong araw?
___________________________________________________
14. Pagdating nina Marty sa bahay nila saan sila nagpunta?
___________________________________________________
15. Ano ang paboritong pasalubong ng mga kamag-anak nina Marty?
___________________________________________________

GAWAIN 2

Magkwento kayo ng pinakapaboritong bakasyon ninyo. Gamitin ang Mag/Um verbs.

______________________________________________________________________________