Unit 15 - Kaugalian, Halagahin, at Pagkatao (Customs, Values & Character)

home > unit 15 >

 

BABASAHIN 3

           
Si Philip Vera Cruz at ang Welga ng mga Manggagawa sa Bukid  (Lakas ng Loob)


gif www.bulatlat.com
Si Philip Vera Cruz ay isang Pilipinong unyonista at lider obrero.  Nakapag-aral siya subalit walang trabahong nakuha sa larangang kanyang pinag-aralan.  Sa halip, nagtrabaho siya sa mga pataniman at nag-organisa ng mga manggagawa sa bukid.  Noong ika-8 ng Setyembre, 1965, sa Filipino Hall sa 1457 Glenwood Street sa Delano, nagpasiya ang mga Pilipinong kasapi ng unyon na Agricultural Workers Organizing Committee (AWOC) na magwelga imbis na tanggapin ang mababang pasahod at di makatarungang palakad ng mga pataniman ng ubas.  Ito ang naging unang malawakang welga na nilahukan ng mga Pilipino at Meksikano.  Sa ilalim ng pamumuno ng United Farm Workers, (UFW) tumagal ang welgang pinasimulan ng mga Pilipino ng anim na taon.  Dahil sa lakas ng loob ng mga Pilipino, nagtagumpay ang welgang ito para sa mga manggagawa sa bukid na mahigit sa 40 taon nang naglilinang ng mga bukid ng Amerika.  Bagamat mahirap ang pagwewelga, may tibay ng loob ang mga Pilipinong ipaglaban ang kanilang karapatan
Patuloy ang pagdayo ng mga Pilipino sa Amerika sa paghahanap ng mabuting kapalaran.  Hindi na lang mga manggagawa sa bukid kundi mga estudyante at propesyunal tulad ng mga doktor, nars, inhinyero at iba pa ang mga nandarayuhan.  Pero bago kinilala ang talino ng mga Pilipino bilang kapantay ng mga puti ay dumanas muna sila ng diskriminasyon at di mabuting pagtanggap at pakikitungo mula sa lipunang Amerikano.#

Gawain A Gawaing Panggramatika.  Punan ng akmang pangatnig ang mga patlang.

  1. Nakapag-aral siya subalit/ ngunit wala siyang trabahong nakuha sa larangang kanyang pinag-aralan.  (but)
  2. Nagtrabaho siya sa mga pataniman at nag-organisa ng mga manggagawa sa bukid.  (and)
  3. Hindi siya nagtrabaho sa larangang kanyang pinag-aralan, sa halip, nagtrabaho siya sa mga pataniman.  (instead)
  4. Dahil sa lakas ng loob ng mga Pilipino, nagtagumpay ang welgang ito para sa mga manggagawa sa bukid.  (because of)
  5. Bagamat mahirap ang pagwewelga, may tibay ng loob ang mga Pilipinong ipaglaban ang kanilang karapatan. (even though)

 

Gawain B  Pag-unawa

  1. Sino si Philip Vera Cruz?
  2. Bagamat nakapag-aral si Philip Vera Cruz, bakit nagtrabaho siya sa pataniman ng mga ubas?
  3. Kailan at saan nagpasiyang magwelga ang mga Pilipinong kasapi ng AWOC?
  4. Bakit sila nagpasiyang magwelga?
  5. Ano ang UFW?
  6. Bakit mahalaga ang pagwewelgang ito?
  7. Gaano katagal ang welga?
  8. Nanalo ba ang mga mambubukid na mga Pilipino at Meksikano?
  9. Bakit patuloy ang pagdayo ng mga Pilipino sa Amerika?
  10. Ano ang dinanas ng mga Pilipino sa lipunang Amerikano?

 

Gawain C Gawaing Pasalita
Magklik sa simula ng babasahin  “Si Philip Vera Cruz…” upang marinig ang naka-tape na recording.  Pakinggan ito ng ilambeses at pagkatapos ay sabayan ang recording hanggang sa makuha ang wastong bigkas at intonasyon ng pagbabasa ng teksto.