Unit 15 - Kaugalian, Halagahin, at Pagkatao (Customs, Values & Character)

home > unit 15 >

PAG-UUSAP

 

Nagpapraktis ng dula sina Mark, Diwa, at Antonio

Mga Tauhan:
Tagapagsalaysay                    Tagamasid
Magallanes-                             ang Kapitan-Heneral ng mga Kastila
Datu
Alipin ng Datu-               tagapagsalin
Mga tauhan ng Datu, datu
Mga tauhan ni Magallanes

Lahat ng naka-italics ay babasahin ng TAGAPAGSALAYSAY.

Tagpuan:  Sa galyon ni MAGALLANES na nakaangkla sa baybay dagat ng Zuluan, noong hindi pa tinatawag na Pilipinas ang mga kapuluang ito.  Nasa balangahi, isang uri ng bangka, ang DATU.

Panahon:  Abril, taong 1521

TAGAPAGSALAYSAY:  Noong bago sinakop ng mga Kastila ang kapuluan na ngayo’y tinatawag na Pilipinas mula sa ngalan ng Hari ng Espanya na si Felipe II, malayang nakikipagkalakalan ang mga tao sa iba’t ibang mga nasyon.

MAGALLANES:  Tuloy kayo.

ALIPIN NG DATU:  (Hindi kikibo.)

MAGALLANES:  (Magtatapon ng pulang gora at iba pang mga bagay na nakatali sa isang patpat).  Pumasok kayo.  Heto ang ilang mga pasalubong.

DATU: (Sa ALIPIN) Ibigay mo ang isang malaking bara ng ginto at isang basket ng
                        luya.

ALIPIN:  Opo mahal na Datu.  (Ngunit  hindi tatanggapin ni MAGALLANES.)

MAGALLANES:  (Sa sarili o sa manonood) Hindi kami dapat magmukhang gahaman sa ginto.  Kailangang magpakipot kung hindi, masisira ang aming pakikipagkalakalan sa kanila.

MAGALLANES:  (Sa kausap) Hindi kami mga kaaway kundi mga kaibigan. Pwede bang magpakuha ng pagkain?  Kami’y gutum na gutom dahil sa matagal na paglalakbay sa karagatan at naubos ang aming pagkain.  Saan makakakuha ng pagkain?

TAGAPAGSALAYSAY:  May kasamang anim o walong tauhan ang DATU.  Yayakapin niya si MAGALLANES at magpapalitan sila ng regalo.

MAGALLANES:  Gusto kong maging casi casi tayo.  Magkapatid.

DATU:  (Sa ALIPIN)  Sabihin mo sa kanyang nais ko ring maging parang tunay na
                        kapatid siya.

ALIPIN:  Nais daw po ng aming mahal na Datu ang kayo’y maging kapatid rin.

TAGAPAGSALAYSAY:  Ipapakita ni MAGALLANES ang maraming mga bagay, mga sutla at telang iba-iba ang kulay, mga armas na pinapuputok sa kanilang harapan kung kaya  natakot nang lubha ang mga taga-pulo.

MAGALLANES:  Masdan ang taong itong nakabihis sundalo sa gitna ng tatlong
                        armadong lalaki na may hawak na mga espada at sundang.

TAGAPAGSALAYSAY:  Tatagain ng tatlo ang lalaki sa lahat ng bahagi ng katawan subalit, hindi ito masusugatan.  Dahil sa nakita, hindi makapagsalita ang DATU sa takot.

MAGALLANES:  Ang isa niyan ay katumbas ng isang daan ng sarili kong mga tauhan.

DATU:  Siya pong tunay. 

DATU:  (Sa sarili)  Dapat ngang maging kapatid kita. Bukas–palad ko silang tinanggap katulad ng pagtanggap ko sa lahat ng mga dumadaong dito sa kapuluan upang makipagkalakalan.

MAGALLANES:  May dalawang daang tauhan ako sa bawat barko na armadong paris niyan.

TAGAPAGSALAYSAY:  Kinabukasan, Linggo ng Pagkabuhay.  Sa barko ni MAGALLANES.  Ipinasabi ito ni MAGALLANES sa DATU.

MAGALLANES:  Pupunta kami sa inyong lugar hindi upang makikain kundi para
                        makapagmisa.

TAGAPAGSALAYSAY:  Bagamat sinabi iyon ni MAGALLANES, nagpakatay pa rin ang DATU ng dalawang baboy.  Kahit noon pa man, likas ang kagandahang-loob ng mga tao.  Sa ngayon, ang tawag natin sa kaugaliang ito ay “hospitalidad.”Nang magmimisa na, 50 tauhan ni MAGALLANES ang dumating na walang baluti subalit dala ang ibang mga armas at nakasuot ng magagarang mga damit.

MAGALLANES:  Bago tayo dumaong, anim na beses ninyong paputukin ang kanyon
                        bilang  tanda ng kapayapaan.

TAGAPAGSALAYSAY:  Samantala, sa pampang ng dagat…

 DATU:  (Sa sarili.)  Tinatakot ba nila kami?  Nang wala pa kayo, payapa ang
                        kalooban ko.

TAGAPAGSALAYSAY: Bago nagsimula ang misa, kinonsagra muna ang lugar at winisikan ni Magallanes ng tubig na may pabango ang katawan ng dalawang datu.  Habang itinataas ang ostiya, pinapuputok nang sabay-sabay ang lahat ng artileriya ng barko.

ALIPIN:  Pagkataposnilang magmisa, nagpalabas ng paligsahan sa eskrima sina Magallanes  na ikinatuwa ng dalawang datu.  Pagkatapos,nagpakuha ng kurus si Magallanes at ipinatayo ito sa tuktok ng pinakamataas na bundok.

MAGALLANES:  Maliligtas kayo sa kidlat, kulog, ni bagyo ay hindi kayo maaano. 
Kapag dumating ang alinmang barko namin, malalaman nila na naparito na kami at maliligtaskayo at ang inyong ari-arian. sa mga magnanakaw.  Kapag nahuli ang isa sa mga tauhan ninyo, makakalaya agad sila basta ipakita lamang nila ang tanda.

DATU:  (Sa ALIPIN) Sabihin mong sa madaling salita ay sinasakop nila tayo. 

ALIPIN:  (Kay MAGALLANES)  Maraming salamat po.  Gagawin po namin ang lahat
                        ng inyong naisin.  Kami po ang inyong abang lingkod.

MAGALLANES:  May mga kaaway ba kayo?  Kami at ang aming hari ang
pinakamakapangyarihan sa lahat.  Kung ayaw nilang magpasakop sa amin, lulupigin namin sila.  Nais namin ay kapayapaan.

ALIPIN:  Kaya, kusa kaming nagpabinyag lahat.

TAGAPAGSALAYSAY: Ayon sa kanilang talaan, walong daang tao ang nagpabinyag,
pati na ang reyna, mga babae, lalake at sampu ng mga bata.  Sa pamamagitan ng kurus na may bisa ng anting-anting, at ng superyor na artileriya ng mga Kastila, naging Kristiyano ang mga brutos salvajes at cimarrones indios.