|
PAG-UUSAP:
Nag-uusap sina Agnes at Delia tungkol sa mga akdang kababasa lamang nila. Kagagaling lang ni Delia sa Pilipinas, bagong “permanent resident” siya sa Estados Unidos.
DELIA:: Nabasa mo na ba ang “America is in the Heart?”
AGNES: Hindi pa pero laging nababanggit ‘yan sa klase na Filipino American Experience.
DELIA: Eto ang pasalubong ko sa iyo galing sa Pilipinas,“Nasa Puso ang Amerika.”
AGNES: Waw, meron sa Filipino? Kaya lang, baka mahirapan akong basahin ito. Alam mo namang hindi ako magaling bumasa sa Filipino.
DELIA: Para nga bumuti ang Filipino mo.
AGNES: Baka maya’t maya pupunta ‘ko sa diksyunaryo nito!
DELIA: Hindi naman. Tsaka nandito naman ako. Hindi namin ‘yan nabasa sa hayskul o sa kolehiyo. Ang pinabasa sa ‘min mga Ingles at Amerikanong awtor.
AGNES: Bakit ganoon?
DELIA: Kasi, siguro, parang pro-Amerika yung libro dahil sa pamagat. At saka sa tingin ko, parang sala sa init, sala sa lamig. Bagamat nasyonalista nga ang edukasyon namin sa Pilipinas, sa mga eskwelahan at sa gobyerno, mas mataas pa rin ang tingin sa wikang Ingles. Para bang, kung magbabasa na rin lang ng panitikang Ingles, di yung sinulat na mismo ng talagang katutubo sa wika.
AGNES: Sabi nila puro paghihirap ng mga manong ang kuwento. Bakit nga ba puro malungkot ang nasa literatura?
DELIA: Oo nga. Nakakita ka na ba ng nobela na komedi na nakakuha ng Nobel Prize for Literature?
AGNES: Oo nga. Bakit ang dakilang panitikan malungkot? Bakit hindi pwede ang nakakatawa samantalang ‘yon nga ang kailangan ng tao—tumawa dahil mahirap na nga ang buhay. Kapag nakakatawa ba hindi “dignified”?
DELIA: Ay ewan ko. Pasensiya ka na hindi ko alam ang sagot sa tanong mo. Tingnan kaya natin sa internet kung wala ngang Nobel Prize para sa komedi. |